ZigZag
Ni Joseph L. Zablan
Itago n’yo na lang ako sa pangalang Otep, isang ordinaryong mag-aaral na may kalokohan at bisyo sa isang pampublikong paaralan sa maynila, na may kakaibang karanasan na nag-iwan sa akin ng lubos na katanungan at katatakutan. Ganoon pa man wala akong pinagsisisihan kung bakit ko ito nasaksihan.
Ikalawang lingo noon ng November 2006 sakay ako ng pamapasaherong dyip biyaheng pa-Alabang. Pabalik ako sa boarding house na tinutuluyan ko sa Pandacan, Manila mula sa mahigit isang linggong bakasyon sa Cavite matapos ang unang semester.Hindi na iba sa atin ang makakita ng tulog sa loob ng sasakyan madalas isa rin tayo sa nakakatulog dahil sa haba at nakaka-inip na biyahe. Noong araw na iyon, nagawa ko ang ganoong sitwasyon subalit sa nakakakilabot na pangyayari –isang panaginip na aakalain mong totoong nangyayari. Sa parehong sitwasyon din ang pangyayari, sakay daw ako ng pamapasaherong Dyip biyaheng Alabang nang magising ako sa lakas ng busina nito. Pagmulat ng aking mga mata isang Truck ang tumambad sa harap ng sasakyan namin. Sa taranta ng aming Driver iniliko n’ya ito, subalit sa sobrang kalituhan bumanga kami sa mga halaman at madamong gilid ng karsada at tuluyang rumagasa pababa ng bangin. Nagpagulong-gulong daw kami kasabay ang mga nagsisigawang pasahero.
“arrrayyy.., tulongg…, saklolooo”
Nang mahipo ng Jeep ang mabasa-basa at mabatong ilalim ng bangin sinundan ito ng malakas na pagsabog. Ang pagsabog na iyon ang s’yang gumising sa’kin sa katotohanan na isa iyong bangungot. Pero tila napaka-hirap paniwalaan na hindi iyon totoo… ang mga sitwasyon…at lugar ng pangyayari…parehong-pareho… Pawis na pawis ako noong mga oras na iyon tila imposibleng mangyari na lumatak ang mga pawis mo sa ganoong kadami lalo na’t madaling araw iyon at napaka-lamig ng hangin na pumapasok sa loob ng sasakyan. Hindi ako mapakali, natataranta kaya nagawa kong sumigaw ng napaka-lakas. Mas lalo na ng malaman ko na malapit na kami sa Zigzag -ang pinangyarihan.
“Manong para po!… Manong bababa ako!”
Huminto ang sasakyan at natatawang tinatanaw ako ng mga pasahero kabilang ang driver. Ang iba naman ay nagising sa kanilang pagkaka-iglip at nagbibigay na kani-kanilang reaksyon.
“sino naman kaya bababain n’ya dito.., eh wala namang nakatira dito..?”
Hindi pa ako gaanong nakaka-baba sa jeep, nakita ko ang kapwa ko pasahero na mag-asawa kasama ang kanilang anak na umiiyak, kung hindi ako nagkakamali nasa pito hanggang siyam na buwan ang edad ng bata nang maibulaslas ko ang ganito..
“’te paki-usap bumaba na rin kayo”
Tila susunod naman sa’kin ang babae ng buhatin n’ya ang bata sa aktong tatayo. Pinigilan ito ng kanyang asawa.
“baliw ka ba?!.. Adik ‘yun..wag mong pansinin”
Hindi ko na alam ang sumunod na pangyayri sa pagitan ng mag-asawa dahil humarurot na ang sasakyan.
Madilim ang parting iyon ng zigzag na pinag-babaan ko, pero hindi ako natakot na baka may mangyari sa akin, ang mas kinakatakutan ko na baka magkatotoo ang panaginip.
Nanlalamig ang buo kong katawan na may kasamang panginginig. Hindi ko man nakikita pero nararamdaman kong namumutla ako sa takot.
Minuto din ang hinintay ko bago dumating ang sumunod na Dyip na biyaheng pa-Alabang din. Agad-agad akong sumakay sa sasakyan katabi ang Driver at isang pasahero nito sa harapan. Ilang sandali lang matapos lumiko ng pakanan ang sasakyan may pumarang mag-ina. Hindi ako nagkakamali na sila mismo ang nakasabay ko sa Dyip na sinabihan kong bumaba na.
Samantala, sa kasamaang palad hindi sila pinansin ng driver at nakasakay sa dyip sa kadahilanang punong-puno na ang loob ng sasakyan. Naawa ako sa mag-ina at na guilty sa nagawakong kabalastugan. Kung hindi ko sila binulabog sana wala sila sa ganoong lugar.
Ganoon pa man, labis ang pagtataka ko kung bakit hindi nila kasamang bumaba ang asawa nito. Ganoon na ba kasama ang lalake para pabayaan ang kanyang mag-ina sa ganoong kadilim at kadilikadong lugar?
Hindi pa rin mawala ang bagabag sa’king kaibuturan noong mga oras na iyon. Habang binabagtas namin ang ma-kurbang daan.. isang malakas na pagsabog mula sa bangin ang gumuluntang sa’min. Tuluyan na nang umagos ang naiipong likido sa aking mga mata sa sobrang hilakbot.
Totoo ang panaginip! Totoo ang nasaksihan ko! Mga salitang sa isip ko lang isinisigaw habang tulala at habang naparalisa ang biyahe ng ilang saglit. Nais tumulong ng mga pasahero, ang masaklap lang hindi nila magawa sa kadahilanang malalim ang bangin. Ang truck naman na kapwa napahinto ay maya-maya ay umandar ang makina at lumayo.
Walang naka-saksi sa aksidente kung ano ang tunay na nangyari bukod sa truck na salarin at sa sarili kong panaginip.
Nakauwi naman ako ng matiwasay sa boarding house ni-walang paso o gasgas sa balat, taliwas sa nakaka-pangilabot kong napanginip. Noong araw na iyon pinilit kong huwag munang pumasok sa unang araw ng second semester.
Buong araw akong natulala at habang naghihintay ng balita sa telebisyon ukol sa aksidente.., ay nabalitaan kong ni-isa sa mga pasahero ay walang nabuhay o kahit naisugod man lang sa ospital. Ni-isa rin sa mga kamag-anak ko ay walang nag-alala na baka isa ako sa nadamay sa aksidente. Pero naiintindihan ko kung bakit dahil ugali ko nang mag-text pagkarating na pakarating ko pa lang sa Maynila.
Wala akong pinag-sabihan ng kuwentong ito bukod sa kausap ko sa panalangin dahil alam kong walang maniniwala.
December 2006 ng muli akong umuwi sa Cavite para sa Christmas Vacation. Hindi ako makapaniwala na magpa-hanggang ngayon ay nabubuhay pa ako at nakaka-usap ko pa sila. Niyakap ko ng mahigpit si Mama pagkarating ko at nagpasalamat na may kasamang paghingi ng tawad. Nagtaka silang lahat dahil hindi iyon gawain ng estudyateng tulad ko.
“o.. bakit may nangyari ba?.. naku may lagnat ka ba? -nangingiting winika ng mama ko. At sinabayan ng tawa ng mga kapatid kong first time akong nakita sa aktong iyon.
January 2007 nang bumalik ako sa Maynila. Sakay pa rin ng dyip dahil wala namang ibang sasakyan bukod doon. Sa ganoong araw pa rin ng lunes, papasok sa unang araw ng pasukan sa eskwela ngayong taon.
Dilat na dilat kong ibinayahe ang mga mata ko at tila may pobya na sa paghimbing sa loob ng Jeep. Papasok na kami sa ziszag noon malapit sa pinangyarihan ng aksidente nitong nakaraang taon. Nang makaramdam muli ako ng hilakbot na triple na ngayon.
May pumarang mag-ina sa sinasakyan naming Jeep pero tila ako lang ang nakakakita. Maluwag ang loob ng sasakyan, kasya ang walo hanggang sampung katao. Subalit hindi ito pinansin ng driver. Naiiyak ako noong mga oras na iyon at tila nais kong mabaliw, Lumiko ang dyip at muli ko silang nakita, ayoko silang tingnan pero lubhang namamagnet ang mukha ko palabas ng bintana para tanawin sila. Nakakatakot ang kanilang anyo duguan at humihingi ng tulong. Muling lumiko ang dyip pa-kanan at muli ko na-naman silang natanaw mas nakakatakot dahil inaagnas ito at patuloy na humihingi ng tulong, mas lalo na nang lumapit sila sa mukha ko pa mismo.
Wala akong magawa noong mga oras na iyon, hindi ko naman magawang ipikit ang mga mata ko dahil sa pobya na baka makatulog. Nang makalabas kami sa Zigzag abut-abot ang pasasalamat ko dahil kusa na silang nag-laho.
Sikat na ang araw ng makarating kami sa Alabang, pinilit kong magpaka-normal mahirap man magpatay malisya na parang walang nangyari.
Simula noon hindi na ako dumaan pa sa zigzag ng Governor’s Drive ng Cavite at mas pinilit na daanan ang mas malayo pauwi man o pabalik.
Hindi ko alam kung naging malas ang aking kakaibang karanasan o mapalad dahil sa pangalawang pagkakataon na ipinakaloob sa akin.
Siguro nga hindi ko pa oras, maswerte lang talaga ang mga taong tulad ko na nabibigyan ng pagkakataong humingi ng kapatawaran sa mga taong mahal at mga taong alam kong nasaktan ko. Kumpara sa mga taong binawian ng buhay sa hindi inaasahang pagkakataon na magpahanggang sa ngayon ay hindi pa rin natatahimik ang kanilang mga naliligaw na kaluluwa.
kristal na tubig-
I. Sa malinaw na tubig ng ilog ay nasisinag niya ang isang larawan ng kamusmusan. Kinalawkaw niya ang tubig at nagsingsing-singsing ang mumunting alon...na nagpalabo sa larawan. Makailang saglit ay nanumbalik ang katiningan, ang nabulabog na tubig ay luminaw at muli niyang nasalamin ang kaayaayang larawan ng kamusmusan. "Bakit, Itay?" anang isang tinig-angel na nagmumula sa musmos na mukhang nakakatang sa kaniyang balikat at nakatanaw sa tubig. "Bakit, Itay, ang ating basong kristal, hinampas ko lang kahapon e nabasag na? Bakit ang tubig e hindi nabasag, ha, Itay?"Ang musmos na mukha ay pinupog niya ng halik."Talagang ganoon, Anak."At si Tasio ay napangiti.
II.Dinampot niya ang sagwan, ang kristal na tubig ay umalimbukay sa hampas nito, at ang bangka ay itinabi niya sa pampang. Kinalong niya si Nene, marahang inilunsad at tinunton na nila ang landas na pauwi sa kanilang dampa'.Ang mga kasinungalingan ni Nene, ang sutsot ng hanging naglalagos sa kakapalan ng mga dahon, at ang awit ng mga ibon ay hindi na mapukaw sa diwa ni Tasiong nawala sa pagmumunimuni. Napakintal sa kanyang isipan ang kristal na tubig sa ilog, na kinasinagan niya sa isang larawan ng kamusmusan: sa mukha ni Nene. Napalimbag sa kanyang diwa ang musmos na katanungan ni Nene. A, ang kristal na tubig nga naman ay di nababasag, ni di nagkakalamat!Isang makahulugang ngiti ang namilaylay sa mga labi ni Tasio, na wari'y pinagitaw ng pagbubukang-liwayway ng isang katotohanan. Hamakin nga nila nang hamakin, dustain na nga nila nang dustain si Nene...ngunit ang dangal nito, ang kawalang-malay nito, ay kristal na tubig!
III.Nakalapat na sa unang baytang ng kanilang hagdan ang kaniyang paa nang ang kristal na tubig ay lumabo at maparam sa kanyang dilidili. Pagkapanhik ng bahay ay hinubdan niya ng maruruming damit si Nene at sinuutan niya ng malinis. Sinuklayan niya, binigyan niya ng laruan, pinupog ng halik at tinungo niya ang batalan na dala ang maruruming damit. Ang malalaki't magagaspang niyang kamay ay kakatwang malasin kung nagkukusot sa mumunting kasuutan ni Nene. Kung sabagay ay malimit na hinihingi sa kaniya ng mabait niyang kapitbahay na si Tandang Berta ang maruruming damit ni Nene upang siya na ang maglaba, ngunit si Tasio ay tumatanggi."Kung buhay si Ninay ay ganito ang kaniyang gagawin," ang naibubulalas ni Tasio kung pinapangatwiranan niya sa kaniyang sarili ang pagtanggi niya kay Tandang Berta.
IV.Pagkatapos niyang maglaba ay inatupag naman niya ang mga gawaing kinagawian na niyang gampanan, ang mga bagay na"kung buhay lamang si Ninay ay siya rin nitong gagawin." Sinulsihan niya ang mumunting damit ni Nene, pati na ang dati'y marikit na kasuutan ng manyikang ipinamasko ng isang nars kay Nene nang nakaraang Pasko.Kinagabihan, matapos niyang iligpit at hugasan ang kinanan nilang "mag-ama," ay naupo siya sa sahig, gaya nang kanyang kinagawian, sumandal sa dingding at si Nene ay iniupo niya sa kanyang kandungan. Sinakit niyang sariwain sa gunita ang mga kuwentong malimit na ipinang-aliw nina Impong Teray at Apo Siano sa mga bata, mga kuwentong nauukol sa mga hari, mga prinsipe't prinsesa, mga hayop na nagsasalita, mga duwende, at sarisari pang di matarok na mabuti ng kaniyang isipan...dangan at "kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin..."
V.Dumalang-dalang ang pag-uusisa ni Nene, at ang kanyang musmos na mukha ay napapayukayok na sa pagaantok. Si Tasio ay tumayo at si Nene ay ipinagduyan niya sa kaniyang bisig. Ang mga kuwento ay nahalinhan ng mga awit na kagaya ng naririnig ni Tasio kay Tiya Sela kung ito'y may ipinagheheleng sanggol. Gumagaralgal ang kanyang tinig, kung saan-saang himig napapatungo ang kanyang kanta, dangan at "kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin."Nang si Nene ay nahihimbing na ay inihiga niya sa banig na nakalatag sa kanilang sahig na kawayan. Mataman niyang minasdan ang musmos na mukha. Parang pinilas kay Ninay...May ilang taon na ang nakalilipas mula nang ang mukhang pinaghuwaran ng kaayaayang larawan ni Nene ay lagi na lamang niyang pinupupog ng halik. Sariwang-sariwa pa sa kaniyang gunita...Si Ninay ay ipinagkait sa kaniya hanggang sa napilit-pakasal sa iba. Nakararaan lamang ang isang buwan, ang mukhang yaon, kung di man uliran sa dilag ay lubha namang kaayaaya, lubhang kaibig-ibig sa kaniyang mga paningin, ay sumungaw sa pintuan ng kaniyang dampa. Si Ninay ay di na umalis pa sa dukhang tahanan ng maralita niyang talisuyo. Naisumpa na niyang matapos niyang isanla sa iba ang kaniyang katawan, ang puso niya ay siya naman niyang tatalimahin.
VI.Si Tasio ay di nagpinid ng dibdib. Kinupkop niya si Ninay, sapagkat ang pag-ibig naman niya ay di nabibilanggo sa makitid na pagnanasa. Ay ano kung ang bungangkahoy ay naukit ng ibon nang mahulog sa kaniya? Nasa kay Ninay pa naman ang puso, nasa kay Ninay pa naman ang kaluluwa.Nang sumilang si Nene ay una siyang naratay sa piling ng isang bangkay, ng bangkay ni Ninay! Natuto siyang ngumiti, natuto siyang magsinungaling sa gitna ng pag-ismid ng isang buong nayon. Sibol sa katawan ng isang babaeng talipandas! Supling ng inaaruga ng makasalanang pag-ibig!Sa ulilang "mag-ama" ay lagi na lamang nakatudla ang mga mapang-uyam na paningin ng kanilang mga kanayon. Kung namamasid nila si Nene, sila ay napapaumis saka napapasulyap kay Tasio, nang may halong pagkutya.Sa harap ng ganitong paglibak at paghamak ng isang nayon ay ikinulong ni Tasio ang kaniyang sarili sa sarili niyang daigdig, upang doon ay mapagpala niya ang "pamana ng isang pag-ibig," ang walang malay na si Nene. Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kaniyang gagawin!
VII.Kinabukasan, namimitak pa lamang ang araw ay nagbangon na siya, gaya nang kaniyang kinagawian. Sinimulan niyang tungkulin ang kaniyang "pagka-ama," ang pagbabanat ng buto alang-alang sa ikabubuhay ni Nene, upang pagkatapos ay dulutan ng pagkakandili ng isang ina ang kulang-palang ulila. Ang pagsasabalikat ng mabibigat na tungkulin ng isang ama at ng isang ina, na pinalulubha pa ng malulungkot na alalahanin at ng pagtatakwil ng isang nayon, ay nahahalata sa namamayat nang pangangatawan ni Tasio. Kung gabi'y pinagpupusan siya. Kung sinasasal niya ang ubo ay napapatawag na siya kay Bathala, alang-alang sa walang malay na "pamana" ni Ninay.Nang mapauwi siya ng bayan, isang araw, may nakita siyang isang malaking trak na pinagkakalipumpunan ng mga tao. Samantalang nanonood siya'y nilapitan siya ni Kakang Terio."Tasio, mabuti'y patingin ka riyan," ang wika ni Kakang Terio."Aba, ano ang patitingnan ko riyan?" ang patakang sagot ni Tasio. Ngunit nahila na siya ni Terio. Sinalubong siya ng ilang suot-nars at doktor. Nag-uulik-ulik man siya'y di na siya nakatutol. Hinubdan siya ng baro at sinilip sa isang parang pangkuha ng larawan, na ayon sa pagkarinig niya ay tinatawag na x-ray. Pagkaraan ng ilang sandali, siya'y kinausap ng doktor bago pinauwi.
VIII.Pagkarating niya ng bahay, ang mga pisngi ni Nene ay walang nasalubong na matatamis na halik. Ang umuwi ng bahay ay isang bagong Tasiong wari'y nagmula sa isang mapanglaw na kabilang-buhay. Ibinagsak niya ang kanyang katawan sa isang bangko' at doon ay napapako siyang kawangis ang isang bantayog. Nakatitig sa malayo ang kaniyang mga paninging tila di man lamang kumukurap. Maging ang kristal na tubig na lagi nang nakapupukaw sa kaniyang isipan ay nanlalabo na tila noon kung malasin niya sa kanyang gunamgunam.Si Nene, na naghahanap ng init ng kaniyang mga labi, ay lumapit at kumandong sa kaniya. Ngunit ang murang katawan ng ulila ay hinawakan niya at inilayo."Malaki ka na Nene," ang nawika niya sa isang tinig na siya man halos ay di makarinig."Di ka na dapat pang halikan," ang kaniya pang wika, na sinundan ng sunod-sunod na ubo. Sa kaniyang namamarak ng pisngi ay namalisbis ang luha. Si Nene ay napatingin kay Tasio, at tila ba dinadalumat ng kaniyang pahat na isipan kung ano ang nangyayari sa kaniyang "ama".
IX.Nang mapuna ni Tasio na siya ay pinagmamasdan ni Nene ay pinahid niya ang kanyang luha. Dinampot niya ang isang tagpi-tagpi ng damit nito at sinimulan niyang sulsihan. Ngunit ang kaniyang mga daliri ay lagi na lamang naduduro ng karayom. Kaya binitiwan niya ang damit at nanumbalik siya sa pagkatigalgal. "Maliit ka pa, Nene," ang namulas sa kaniyang mga labi, ngunit siya lamang nakakarinig. Maliit nga at bata pa si Nene: tatatlong taon pa lamang. Ngunit musmos pa'y dinudusta na. Siya, siya lamang, si Tasio, sa kabila ng paglibak ng isang nayon ang tanging tagapagkandili ni Nene sa daigdig na ito, siyang tanging ama't siyang tanging ina. At anang doktor...iilang buwan na lamang ang kaniyang buhay!
X.Bigla niyang sinaklot si Nene at dinalang papanaog. Maglalakad siya, maglalakad ng maglalakad hanggang makatagpo siya ng mapapagkatiwalaan kay Nene. Naroon si Tiya Nena, na iisa ang anak. A, ngunit si Tiya Nena ay namumuhi sa kaniya. Sa bayan ay may isang mapagkawanggawa. Si Don Bartolo; maaandukha niyang mabuti si Nene, mapagbibihis ng maganda, mabibigyan niya ang marikit na laruan...Ngunit si Don Bartolo ay mayaman; si Nene ay hindi masisiyahan sa isang kakaibang daigdig. At si Nana Upeng? A, si Nana Upeng pa kayang maselan ang makakawatas kay Nene?Hindi maaari, hindi maaaring mawalan ng isa man lamang sa buong daigdig na ito na makakapagkalinga nang wasto kay Nene! Ngunit lahat na'y tila nagtatakwil kay Nene, at kung may tumatanggap man ay upang ipasok lamang siya sa isang daigdig na di niya nawawatasan at di nakakawatas sa kaniya.
XI.Lumalatag na ang dilim nang ang "mag-ama'y" magbalik ng bahay. Si Tasio ay patang-pata. Si Nene naman ay natatalinghagaan sa mga kakaibang kilos ng kaniyang ama, na di maabot-abot ng kaniyang murang isipan.Nalalagas ang mga araw ay nauupos nang nauupos ang buhay ni Tasio. Ngunit di pa niya natatagpuan ang karapat-dapat na kamay na makakapag-kupkop sa kaniyang si Nene. Sa gitna ng kaniyang kasiraang-loob ay naisipan na niya tuloy ang dumulog sa mga magulang ni Ninay o dili kaya'y sa tinakasan nitong kaisang-puso, na siyang tunay na ama ni Nene...ngunit nangalisag ang kaniyang balahibo...hindi niya magagawa!"Iilang buwan na lamang!" anang doktor. At ngayo'y nakalilipas na ang ilang buwan. Nababanaagan na ni Tasio ang mapanglaw na wakas. Ngunit si Nene!
XII.Si Nene ay itinakwil pa rin ng di nakawawatas na daigdig. Si Tasio ay natabunan na ng kasiraang-loob. Ang kaniyang puso'y nginangatngat na ng poot sa sangkatauhan. Kay lawak ng sangnilikha ay walang isa mang kaluluwang nakawawatas kay Nene, maliban sa kanya!Magdadapithapon na nang magunita niyang muli na naman niyang nakaligtaang dalhin si Nene sa ilog upang doon ay magtampisaw, mamangka at humanga sa kristal na tubig. Kaagad niyang binuhat si Nene at mabilis nyang tinungo ang ilog.Mabining umaagos ang tubig sa ilog. Ang lagaslas, ang mga ibon, ang hanging naglalaro sa mga dahon ng kahoy, ay nagsasaliw sa isang kaayaayang tugtugin ng kalikasan. Ang malamlam nang sinag ng araw ay tila ba nalulunoy sa tubig.
XIII.Si Tasio ay napatigalgal. Ngayon lamang siya napuspos ng panggigilalas sa kalikasan. Napapako ang kaniyang paningin sa kristal na tubig. Biglang nagliwanag ang kaniyang mukha. May isa nang inang makapagkukupkop kay Nene!Kapagdaka'y dinampot niya ang batang nawiwili pa noon sa paglalaro sa buhanginan. Tinungo niya ang bangka at mabilis siyang sumagwan."Natagpuan ko rin ang kaligtasan!" ang kaniyang bulalas.Pagdating sa gitna ay itinigil niya ang bangka. Hinawakan niya si Nene, itinaas ... ilang iglap pa'y nalagak na ito sa sinapupunan ng Inang Kalikasan....Ngunit napatitig siya sa kristal na tubig. Nasinag niya ang larawan ng kamusmusan. Nagunita niya ang musmos na katanungan ni Nene. Batuhin man nang batuhin, yurakan man nang yurakan, ang kristal na tubig ay di nababasag. Bakit niya katatakutang maiwan sa isang mapanlibak at di nakawawatas na daigdig ang isang walang malay na si Nene kung ang puri't dangal nito'y kristal na tubig?
XIV.Siya namang paghihip ng hanging may inihahatid na isang awit, ang awit ng isang inang may ipinagheheleng sanggol. Napatitig siyang muli sa kristal na tubig. Nasinag niya ang isang matamis ngunit malungkot na gunita: si Ninay. Ang lagaslas ng tubig, ang awit ng mga ibon, ang sutsot ng hangin ay naitaboy sa kaniyang pandinig ng awit ng inang may ipinagheheleng sanggol.Ibinaba niya si Nene at hinawakan niya ang sagwan. Ang kaniyang mga tikhim, na nabubunot sa isang maysakit na dibdib, ay sumasalit sa mga hampas ng sagwan at sa sagitsit ng bangka sa kristal na tubig, samantalang sa hangin ay patuloy na nagduruyan ang awit ng ina. Sumadsad ang sasakyan sa pampang, kinalong niya si Nene, ipinagduyan niya sa kaniyang mga bisig, saka ang gumagaralgal niyang tinig, na halos naiimpit ng nangangapos niyang hininga, ay sumaliw sa awit ng inang may ipinagheheleng sanggol."Kung buhay si Ninay ay ganito rin ang kanyang gagawin..."
magpinsan-antonio hernadez-
."Magandang araw po." Pamimintana ni Ligaya sa kanilang durungawan ay isang liham ang inihagis sa kanya ng tagahatid sulat na nagbigay ng "magandang araw." Marahan niyang ginupit ang isang dulo ng sobre, tiningnan, nangunot ang noo at saka napahalakhak ng malakas. "Ha, ha, ha. Nasisira yata ang ulo ni Nestor!" ang nasabing tatawa-tawa.II. Ang totoo ay hindi sukat akalain ni Ligayang makapangangahas si Nestor na magpapahayag sa kanya ng pag-ibig. Silang dalawa ay magpinsan. Makipagsintahan siya kay Nestor ay walang salang magiging bukang-bibig ng madla na sila ang magpinsang "nagpipisan." Kay laking kahihiyan, marahil! At saka si Nestor, ayon sa kanya, ay hindi pa naman tunay na binata kundi bago pa lamang nagbibinata. Kailan lamang ay nakaputot ng salawal at ni hindi makuhang ayusin ang buhok. Noon lamang mga nakararaang taon ay lagi silang magkasama sa paglalaro. Madalas pa siyang ipinamimitas ni Nestor ng sari-saring bungang-kahoy sa kanilang bakuran na pagkatapos ay pinagsasalunan nilang dalawa. Kung tanghaling tapat ay madalas silang makagalitan tuloy ng kanyang ina dahil sa hindi nila makuhang matulog at nalilibang sa paglalaro ng sintak sa puno ng hagdan. Ganon na lamang ang sarap ng kanilang matalik na pagsasama na wala silang iniwan sa tunay na magkapatid. Kaya lamang sila nagkahiwalay ay nang ipasok na siya sa kolehiyo. Nagkaiyakan pa silang matagal dahil sa pangambang makalimot ang isa't-isa. Awang-awa siya kay Nestor. III.Ngunit noo'y mga batang musmos pa lamang sila halos. Marami ng araw at taon ang nakalipas. Nang kanyang lisanin ang kolehiyo ay magdadalaga na siya. Sa dahon ng kanyang ala-ala ay malabo na ang titik ng panahon. Nagdaan ang masayang kabataan nila ni Nestor na hindi na niya ganoon nagugunita. Nang magkita sila ng kanyang pinsang binata, pagkaraan ng isang mahabang panahon ng pagkakahiwalay, ay nagkahiyaan sila, kung bakit, at hindi nakuhang magbatian. Si Nestor ay nasilaw sa kanyang kisig at ganda, samantalang siya naman ay nanibago kay Nestor. Binata na pala ito! Ang nasabi sa kanyang sarili. Buhat noon, kung sila'y magkasalubong ay tumutungo siya upang mailagan ang mata ng kanyang pinsang binata at si Nestor naman ay lumilihis ng daan dahil sa malaking pagkaumid at pag-aalang-alang sa kanyang pinsang dalaga. IV.Kaya ganoon na lamang ang panggilalas ni Ligaya ng tanggapin niya ang sulat ni Nestor. "Marunong na palang lumigaw ang pilyong yaon," ang wika pang nakangiti. Ipinalagay niyang si Nestor ay nahihibang. Dili kaya'y nagbibiro. Kaya hindi pinansin ang liham ng binata. Saka ang pag-ibig ay hindi pa rin naman nagigising sa kayang puso.
V.Pagkaraan ng mahigit na dalawang linggo ay nagsisi si Nestor kung bakit siya nakapagtapat pa kay Ligaya. Wala nga namang unang pagsisisi. Ngayon na lamang niya nakurong malayo siyang ibigin ng kanyang magandang pinsan. Si Ligaya ay tanyag na tanyag sa mga lipunan, mula ng lumabas sa kolehiyo, samantalang siya'y palad ng makadalo sa isang piging minsan sa isang buwan. Maraming maginoo at hombres de profesion na nangingibig kay Ligaya at siya'y isang estudyante pa lamang na pinakakain at pinaghihirapan ng kanyang ama. Isa nga naman palang kabaliwan ang kanyang pag-ibig. Lalong nag-ibayo ang kanyang pagkakimi sa harap ni Ligaya. Kung minsang sila'y nagkakatagpo sa isang sayawan o piging ay hindi niya magawang sumulyap man lamang sa mukha ng kanyang pinsang dalaga, habang yao'y ngingiti-ngiti at parang ikinasisiyang-loob ang makitang siya'y labis na nagugulumihanan. VI.Nguni't ano ang kanyang gagawin? Siya ay lalaki at lalaking may puso. Ang tibok ng puso ay makapangyarihan. At hindi maaaring pigilin, lalong mahirap at hindi mangyayaring limutin niya si Ligaya. Si Ligaya ay inibig na niya at minahal, sinundan-sundan ng paningin at pinintuho ng buong kaluluwa mula pa sa kanilang kabataaan. Ang isang bagay na naukit sa diwa at napunla sa puso sa panahon ng kamusmusan, ay hindi na malilimot at mamamatay sa habang panahon. Ang mga ala-ala ng ating kabataan ay siyang matamis sa lahat, sariwa sa lahat at mahal sa lahat. Talagang si Nestor ay hindi nakalimot kay Ligaya. Ewan nga lamang niya kung bakit naparam na sa isip ng dalagang yaon ang kanilang kahapong lipus sa kaningningan ng mga murang guni-guni at masamyo sa pabango ng kawalang-malay. Wala nang masakit na alalahanin na gaya ng mga ala-alang nagbabalik sa gunam-gunam ni Nestor. Ngayon siya'y nasa gitna ng luha at lungkot.VII.Nang hindi nagtamo ng tugon ang ikalimang sulat ni Nestor kay Ligaya, ay niyari sa loob ng binata na hindi na siya muli pang susulat sa pinsang walang puso. Naisip niyang sayang lamang ang panahon at pagod nang magpakabaliw sa isang bagay na tila hindi matatamo. Ang pag-ibig ay may dalawang hanggahan: luwalhati at pagtitiis. Yamang sa pagtitiis siya itinalaga ng tadhana ay tila kabaitan ang sumang-ayon sa gunita ng palad. May araw ding mabibihis ang kanyang pagdurusa. Sadyang ang alin mang pangarap na mahalaga at dakila ay hindi natutupad sa iisang gabi. Kinakailangang maglamay at magpakasakit, magbata at lumuha.VIII.Pinag-ibayo ni Nestor ang pagsisikap sa pag-aaral. Kung siya'y makatapos na ng karera, sa paano't paano man ay hindi na kahiya-hiyang mangibig kahit kanino. Ang titulo ay isang kalasag na malaki ang nagagawa. Kung wala mang paglingap si Ligaya sa kanya ngayon baka kung siya ay isang doktor na ay malamuyot din ang puso at mabagbag ang kalooban ng pinsang walang awa. Kaya nagsunog ng kilay si Nestor.IXSamantalang si Ligaya ay patuloy sa kanyang pagkabulaklak ng lipunan. Kung sabagay ay hindi naman siya katulad ng ibang dalagang pag natatanyag na sa gitna ng palalong sosyedad ay nagkakaroon ng marungis na batik ang iwing dangal at ang angking kabanguha'y napagsasamantalahan ng ilang mapagsamantala. Si Ligaya ay hindi gayon. Habang siya ay napapasa-itaas ay lalo siyang nagpapakalinis, lalong pinag-iibayo ang kanyang kababaang-loob, at katamisan ng ugali, lalong sinikap na siya'y maging karapat-dapat sa mata ng sambayanang nakapako sa kanyang mga kilos. X.Pagkaraan pa ng tatlong mahahabang panahon ay nagtapos din si Nestor sa pagka-manggagamot. Isang batang-batang manggagamot na nginingitian ng pag-asa at pinatatapang ng lalong matatamis na pangarap. Datapwat kung ano ang tagumpay ngayon ni Nestor ay siya namang kabiguan ni Ligaya. Dahil sa malabis na pagpupuyat gabi-gabi sa kung saan-saang sayawang idinaraos ng gayo't ganitong samahan at kapisanan, bukod pa sa panonood ng mga dulaan at sine, ang murang katawan ni Ligaya ay hindi nakatagal. Siya'y lumura ng dugo at unti-unting nangayayat. Dahan-dahang nalanta ang rosas sa kanyang dalawang pisngi at naglamlam ang langit sa kanyang mata.
XI.Nang mabalitaan ni Nestor ang kaawa-awang kalagayan ni Ligaya ay dali-daling inihandog ang kanyang tulong. Ang pinsang dalaga ay tumalima naman sa kanyang mga tagubilin. Ang buong panahon at pagsisikap ni Nestor ay inukol na lahat sa pagpapagaling ng karamdaman ng kanyang minamahal. "Malulunasan mo pa kayo ako, Nestor?" ang tanong sa kanya minsan ng may sakit."Oo, gagaling ka, pagagalingin kita, aalagaan kita," ang masuyong sagot ni Nestor.XII.Isang matamlay na ngiti ang itinugon ng dalaga. May apat na buwan na si Ligaya sa kanyang cottage sa mataas na siyudad ng Baguio. Ang sariwa at malinis na simoy ng hangin, ang mabibiyaya at katangi-tanging singaw ng nagmumula sa pusod ng mga bundok at ang mabuting paraan ng panggagamot ni Nestor ay siyang nagkatulong-tulong upang lubusang bumuti ang karamdaman ng paralumang maysakit. May dalawang buwan pa lamang si Ligaya sa itaas ng Baguio ay tumigil na ang paglura ng dugo, sumunod ang pagkapawi ng ubo sa gabi at sa umaga. Nanumbalik din ang dating mapulang kulay sa kanyang mukha at nanauli ang bulas ng kanyang katawan.XIII.Isang malamig na gabing ang buwan ay parang nakabitin sa langit na mangasul-ngasul, si Nestor at si Ligaya ay mapayapang nangakaluklok sa dalawang silyon sa lilim ng mayayabong na puno ng isang pino. "Salamat sa iyo, Nestor," anang binibiro, "utang ko sa iyo ang akin gbuhay. Ano kaya ang maibabayad ko sa iyong kagandahang loob?""Ligaya," anang binata naman. "Pinagaling ko ang iyong sakit sa tulong ng Maykapal. Datapuwa't ang karamdaman ko ay hindi mo pa nalulunasan hanggang ngayon.""Anong karamdaman mo?""Ang karamdaman ng aking puso.""Aba, si Nestor, hindi mo pa ba nalilimot ang bagay na iyan?""Kailan man ay hindi! Ang aking pag-ibig ay malala kaysa dati, Ligaya, lalong malubha.""Ano ang sasabihin sa atin ng tao? Magpinsan tayo'y...""Sa pagsinta ay walang magpinsan, " ang putol ni Nestor. "Lalong mabuti sapagka't iisa ang dugong nananalaytay sa ating mga ugat, iisa ang ating damdamin, iisa ang ating puso. At bakit natin pakikinggan ang sasabihin ng tao? Ang dila ng tao'y talagang makasalanan at hindi marunong humatol. Alalahanin mo ang ating kabataan, ang pagmamahalan natin noong tayo'y mga batang musmos. Hindi ka ba nanghihinayang sa lahat ng yaon kung ikaw o ako, ngayong kita'y may gulang nang ganap, ay mapasaibang kamay at mapasaibang dibdib?""Ngunit""Huwag ka ng magdahilan, Ligaya. Sabihin mo na sa aking ako'y minamahal mo. Ang laman ng iyong puso ay nakasulat sa iyong mga mata, kaya huwag mo na sanang susian ang iyong bibig.XIV.Hindi na nakuhang magmatuwid ni Ligaya. Ang katotohanan ay matagal na rin siyang umiibig nang lihim kay Nestor at malaon na ring nanariwa sa kanyang puso ang matamis na ala-ala ng kanilang kabataang yumao.Bago sila naghiwalay ng gabing yaon ay pinabaunan muna niya si Nestor ng isang matamis na halik at inabutan ng isang bulaklak ng everlasting."Hayan ang aking pag-ibig.""Pag-aralan mo sanang mahalin."Nabalitaan na lamang ng lahat sa kahanga-hangang siyudad na rin ng malamig na Baguio idinaos ang luna de miel ni Ligaya at ni Nestor.
Short Stories (Maikling Kwento) : Mga Gabi sa Ilalim ng Overpass
Posted by Beverly Valencia on 2008/3/21 12:50:00 (25 reads)
Gabi na naman. Ang malamig na hangin na lumalatay sa aking pisngi ay hudyat ng pagtatapos ng isa na namang miserableng araw. Kasabay ng pagharurot ng dyip na sinasakyan ko ay ang pag-andar din ng samu’t saring alalahanin sa aking utak. Kapag ganito talagang gabi na ay kusang dumadaloy ang sangkatutak na suliranin na parang sirang plaka. Ngunit kaunting tiis na lang. Alam kong makakarating din ako. Naruon pa kaya siya? Kaiisip ng mga bagay na ito ay hindi ko namalayang narating ko na pala ang aking destinasyon. “ ‘Ma, para!,” sigaw ko habang nagmamadaling bumaba sa dyip. Pagkababa, agad ko na siyang nakita. Sa ilalim ng overpass, ang kaniyang pigura ay nakagagaan ng loob. Lumakad ako papalapit sa kaniya. Lumingon siya at tulad ng dati ay aburidong hinaplos ang kanyang magulong buhok. “Kamusta po?” nakangiting sabi ko.Nakita ko siya isang gabi sa ilalim ng overpass na madalang daanan ng tao malapit sa inuupahan kong dormitoryo. Nakatayo siya roon. Gula-gulanit ang kaniyang damit, puno ng grasa, at sa kaniyang baywang nakasabit ang pinagtagni-tagning boteng yari sa plastik. Nang oras na iyon ay may kung anong hapdi ang tumurok sa aking puso. Nilapitan ko siya at umupo sa tabi niya. Mayroong kakaibang pwersang nagtulak sa akin upang ibuhos sa kaniya lahat ng mga kasawian ko sa buhay. Duon nagsimula ang gabi-gabi kong pakikipag-usap sa kaniya. Ngunit hindi rin siguro ito matatawag na usapan dahil habang walang preno kong ibinubuhos lahat ng aking sama ng loob ay nananatili siyang tahimik at walang kibo na tila ba may sariling mundo. Sa isip-isip ko ayos lang basta naroon lang siya…dinadamayan ako.“Tumawag na naman ‘ho si Nanay. Nanghihingi na naman ng pera. Nagkasakit daw kasi si Tess. Wala naman ‘ho akong masabi dahil maski ako said na said na. Anu ba naman ‘to! Eh bayaran na ng tuition fee namin. ‘Yun sanang seswelduhin ko sa katapusan eh pang bayad duon sa tuition. Paano ba naman ako makakapagtapos niyan kung lagi sila sa akin umaasa. Wala pa naman akong matinong trabaho,” dederetso kong paliwanag sa taong tulala tangan-tangan ang mga boteng plastik na nakasabit sa kaniyang baywang. Nagpatuloy pa rin ako. “Kung ganap na talaga akog titser, makakatulong na ako pero ngayon ala pa talaga. Ang sinasabi ko lang naman sa kanila ay maghintay. Dalawang taon na lang naman ay ga-graduate na ako. Kung nariyan lang sana si Itay ay hindi naman mahihirapan ng ganito si Nanay. Lecheng buhay ito! Bakit ba naman kasi pinanganak kaming mahirap. Kung hindi naman nakuha iyong lupang sakahan namin ay hindi aalis si tatay para makipagsapalaran sa Maynila!,”pagmamarakulyo ko. Sa pagkakabanggit ng pangyayaring iyon, nabalot na naman ako ng matinding kalungkutan. Buhat ng umalis si Itay ay hindi na siya muling nagbalik sa probinsiya. Nagsikap akong makapag-aral sa isa sa mga Unibersidad dito sa kamaynilaan para maiahon ang aking pamilya sa kahirapan at upang hanapin din siya. Nilabanan ko ang mga luha na ayaw namang umagos. Binura ko ang mga sentimiyentong ito sa aking utak. “ Sige po. Mauna na po ako. At siya nga pala, eto po,”paalam ko sabay abot sa isang supot ng pansit. Naging ritwal ko na ang pagpupunta sa lugar na ito at nakagawian ko na rin ang paguuwi ng pagkain para sa kaniya. Ito man lamang ay maiganti ko sa matiyaga niyang pakikinig sa mga walang humpay kong reklamo, at mga mumunting kahilingan ko sa buhay. Tuluyan na akong umalis subalit bago pa man ako makalayo ay tinapunan ko siya muli ng isang sulyap. Naroon pa rin siya. Nakatayo sa ilalim ng overpass hawak-hawak ang supot ng pansit na inabot ko.Gabi na naman. Kakaiba ang pakiramdam ko ngayon. Sa pagdungaw ko sa bintana ng dyip ,napaghinuha kong iba pala ang lungsod na nababalot na ng itim na kalangitan. Ang makakapal na usok na nagmumula sa mga rumaragsang sasakyan ay nagkukubli sa mga maiitim na ulap at ang mga sali-saliwang kable ay natatabunan ng sinag na nagmumula sa mga makukulay na poste. Maganda ang siyudad sa gitna ng dilim ngunit ang mga bagay na nagpapasukal dito ay naroon pa rin…nagtatago. Natatanaw ko na ang overpass. Ipinara ko na ang sasakyan at dali-daling bumaba. Naroon pa rin siya. Nakatayo sa ilalim ng sinag ng buwan. “Narito na po ako,” bati ko. Hindi niya ako pinansin. Naupo parin ako sa tabi niya. Kinuha ko ang kaniyang kamay ay ibinigay ang ensaymadang dala ko para sa kaniya. “Kainin niyo ‘ho iyan. Hayaan niyo’t bukas dadalan ko kayo ng palabok,”sabi ko. “Alam niyo ‘ho ba na pinuri ako ng prof ko! Nagustuhan niya kasi ‘yung ginawa kong tula pero masama pa rin ‘ho ang araw ko kasi ‘yung landlady sa dormitoryo naniningil na. Kabibigay ko pa lang ng pera kay Nanay at hindi pa nga ako fully-paid sa tuition fee ko. Malas!” Sa sigaw kong iyon ay napatingin siya dulot ng pagka-alarma. “Pasensiya ka na. Nakakainis kasi talaga ang buhay ko. Sana nabaliw na lang din ako para mawalan na ko ng intindihin,”wika ko na may halong pagbibiro. “Mahirap pala talaga ang maging panganay. Eh kung sana lalaki ako. Kahit anung trabahong pangbrusko uubra eh kaso hindi. ‘Yung lima kong kapatid, sina Tess, Jun, Lino, Matet, at Marie, lahat nagsisipagaral. ‘Yung apat sa elementarya at ‘yung isa hayskul na. Hindi na kaya ng katawan ni Nanay ang gumapas kaya tiyak na ako na magpapa-aral sa mga kapatid ko,”dagdag ko pa. Habang kinukwento ko ang aking pamilya, napatigil siya sa kanyang ginagawa. Nilingon niya ako ng may mukha ng pagkagulat. Ito na kaya iyon? Bumilis ang tibok ng aking puso. “Bakit?” kinakabahan kong tanong. Ngunit hindi siya sumagot. Bahagya akong nabalot ng matinding pagkadismaya. Tumayo ako at naglakad papalayo. Napagdesisyunan kong tapusin na ang aking pagbisita. Gabi na naman. Nasiraan ang sinasakyan kong dyip kaya’t pinili ko na lamang maglakad sa daan. Malapit na naman kasi ang overpass mula sa kinatirikan ng dyip at isa pa masiyadong magastos kung magpapanibagong biyahe pa ako. Inobserbahan ko ang lungsod. Alas nuwebe na ng gabi at alam kong delikado ng maglakad sa mga oras na ganito. Wala na akong pakialam. Sa aking pagmumuni-muni ay sumagi sa isipan ko ang kakapirangot kong pangarap. Kapag naging titser na ako ay mapagaaral ko na ang mga kapatid ko, maibabalik ko na si Itay sa piling namin, at kung papalarin ay makapagpupundar ng negosyo para kay Nanay. Napangiti ako. Kailan kaya mangyayari iyon? Ngayon pa nga lang ay kayod kalabaw na ako. Namamanid na ang mga paa ko. Kahit kailan talaga hindi ako nagiisip. Penetensiya na ata para sa mga binti ko ang tumayo maghapon sa counter pagkatapos maglalakad pa ako sa daan? Wala ng dumadaan na dyip sa parting ito ng kalsada subalit nakita ko na ang madilim na sulok ng overpass. Patakbo ko itong pinuntahan na para bang nakadepende ng buhay ko dito. Naroon pa rin siya. Nakaupo at nilalaro ang kaniyang buhok.“Pasensiya na ngayon lang ‘ho ako. Nasiraan kasi ang dyip na sinasakyan ko eh. Naginip ‘ho ba kayo?,”panimula ko. Walang sagot. “Ah! Siya nga po pala. Dinala ko po iyong pinangako kong palabok,”sambit ko sabay abot nito sa kaniya. Kinuha niya ito, pinunit ng marurumi niyang kamay ang supot ng palabok, binuksan ito at nagsimulang kumain. Pagkamasid ng kalagayan niyang ito ay di ko na napigilan ang aking sarili. “Si Nanay po nasa ospital. Masama daw po ang tama. Si Tess, ang panganay, nanghihingi ng perang pangpagamot at si Marie, ang bunso, hinahanap na si Itay,”nanginginig na ang boses ko ngunit nagpatuloy pa rin ako. “Kilala niyo po ang Itay ko! Ibalik niyo na ‘ho siya. Hindi niyo na ‘ho ba siya natatandaan? Alalahanin niyo!” Hindi ko na napigil ang bugso ng aking damdamin. “ Sumagot ka! Alalahanin mo!” Nawawala na yata ang katinuan ko. Nandito ko pinapaamin ang isang baliw na wala namang alam. Gusto ko talagang umiyak at magwala ngunit may kung anong pumupigil sa akin. Huli na ng mamalayan ko ang takot na takot niyang mukha. Umiyak siya. Hindi ko alam kung bakit ngunit umiyak siya na parang bata. Hinilamusan ang marumi niyang mukha ng hindi mabilang na patak ng luha. Tumayo siya at bago pa man din ako makakilos ay tuluyan na siyang nakalayo. Nawala siya na para bang aninong tinamaan ng liwanag. Dumating na ang araw na kinatatakutan ko.Gabi na naman. Tatlong araw na rin akong hindi bumabalik sa ilalim ng overpass. Hindi ko kasi alam kung anung mukha ang ipapakita ko sa kaniya. Sa pag-iisa ko, napagtanto kong isa akong makasariling nilalang. Hindi ko dapat siya pinilit. Hindi pa siya handa. Binuksan ko ang gate sa papasok sa dormitoryo Dumeretso na ako sa loob. Paakyat na ako sa umiingit na hagdanan patungo sa aking silid ng biglang tumunog ang telepono. Alas dyis na ng gabi kaya’t lahat ay natutulog na. Iyon kasi ang oras ng tulog sa dormitoryong ito. Napilitan akong sagutin ang telepono. “Magandang gabi. Sino po sila?” tinatamad kong sabi. Isang gumagaralgal na tinig ang aking narinig. “Ate? Ikaw ba iyan? Si Tess ito. Patay na si Nanay.” Ang mga salitang iyon ang huli kong narinig. Dumilim ang paligid. Nasaan ako?Hindi ko na maalala ang mga detalye. Ginising na lamang ako nang matinding determinasyon na bigyang linaw ang mga pangyayari. Ala una ng madaling araw at wala pang tao sa paligid. Nanginginig ako. Panaginip lamang ba ang tawag sa telepono kagabi? Sasabog na ang utak ko. Hindi ko pa rin makuhang umiyak. Isang matinding rebelasyon patungo sa realidad. Hindi ito panaginip. Parang tinamaan ng kidlat ang katawan ko ngunit sa kabila nito alam kong may kailangan akong puntahan. Kusang kumilos ang katawan ko patungo sa isang lugar. Sa gitna ng malakas na ulan, binagtas ko ang masalimuot na daan patungo sa overpass sa ‘di kalayuan…mabilis na mabilis…manhid na ang paa ko…Nakita ko siya…Naroon pa rin ang pigurang iyon sa silong ng overpass. Sumigaw ako na parang isang nagwawalang bata… “Itay!!! Patay na ‘ho si Nanay! Kahit ngayon lang ay alalahanin mo! Ikaw ang ama ko!” Gumuhit ang kidlat sa kalangitan na sinundan ng isang dumadagundong na kulog. “ May pamilya ka! Bakit? Bakit!” Lumingon siya at nginitian ako mula sa malayo. Nadudurog ang puso ko. Walang makapagpapaliwanag ng aking nararamdaman. Magkahalong poot sa sinapit niyang kalagayan, lungkot sa pagkawalan ng minamahal at inis sa aking sariling hindi malaman ang gagawin. Matagal ko na siyang gusting iligtas pero hindi ko alam kung papaano. Napaluhod ako sa harapan niya. “Lintik! Umiyak ka! Umiyak ka!!!” Nilamon ng mga patak ng ulan ang basag kong tinig. Umaga na naman. Nakaayos na ang aking mga gamit. Uuwi na akong probinsiya upang masilayan si Nanay sa huling pagkakataon. Binitbit ko na ang aking mga bagahe. Sa ibabaw ng maliit na kama na nagsilbing himlayan ng pagal kong katawan sa loob din ng halos dalawang taon ay iniwan ko ang sobreng naglalaman ng perang dapat sana’y pambayad ko sa aking tuition fee. Nilakipan ko ito ng sulat na humihingi na pasensiya sa kahera sa tatlong buwan ko ring hindi pagbabayad ng renta. Hihinto na ako sa pag-aaral. Bago pa man din ako maligaw sa naguumapaw kong emosyon ay nilisan ko na ang silid na iyon. Wala na akong gaanong oras. Alam kong hindi na muli ako makababalik kaya bago ako umalis sa lugar na ito’y mayroon akong gustong puntahan…Sa ilalim ng overpass, kakaiba ang senaryo. Puno nang tao ang dati rati’y pinangingilagang lugar. Isiniksik ko ang aking katawan sa kulupong ng mga tao. Nasaan na kaya siya? Anung nangyayari? Natuon ang mata ko sa sentro ng senaryo. Nanlaki ang mga mata ko. Tumigil ang tibok ng aking puso. Sa wakas, lumabas ang luha na matagal nang nakatago sa aking puso.
Short Stories (Maikling Kwento) : Bawal na Pag-ibig
Posted by xdirge001 on 2008/3/19 4:05:36 (61 reads)
Una ko siyang nakita, pare, noong enrolment. Di naman siya kagandahan sa katunayan, average din ang height, medyo lang maputi nang hindi naman mestisahin. Pero makinis ang kutis niya at mahaba ang buhok, na siyang unang tumawag ng pansin ko. Partial kasi ako sa mahabang buhok, na para sa akin ay simbolo ng isang babaeng masinop at matiyaga. Kaya lagi akong nakatingin sa kanya habang nakapila kami. Buti na lang nauuna siya sa akin kaya nakatalikod, pero siguro ay nag-iinit ang batok niya sa katitingin ko. Paminsan-minsan ay lumilinga din siya, pero dahil lahat ng nakasunod sa kanya ay nakatingin din pag lumingon siya, pare, di niya matiyak kung sino ang laging nakatingin sa kanya. O maaari rin namang lahat kami ay nagagandahan sa kanya kaya lahat nakatingin. Kaya ang tuwa ko nang malamang kaklase ko pala siya sa ilang subjects, at sa isa ay katabi ko pa ng upuan dahil magkasunod sa lista ang apelyido namin. De Villa ako, siya naman ayde Vivarre, Ederlyn. Pambihirang pangalan at apelyido, pero me indayog pag binigkas. Ederlyn de Vivarre…very nice, no?At eto pa. Nang medyo magkapalagayan na kami, nalaman kong magkalapit-bayan lang kami, pare, at alam ko ang lugar nila. Di kalayuan iyon sa amin --- mga sampung kilometro lang— konti pa ang nakatira dahil medyo liblib, pero me kalsada na papunta doon. Samakatuwid ay maaari siyang puntahan kung kinakailangan, bagay na sa una pa lang ay may kutob na akong di maglalaon ay kakailanganin nga.Paano ba naman, mabilis pa sa alas-kuwatro e naramdaman ko agad na umiibig ako sa kanya. At di lang basta crush o infatuation anuman ang mga iyon, pare, kundi iyong pag-ibig na sinasabi ng mga makata, iyong masidhi, marubdob, na makagagawa ka ng tula kahit di ka makata dahil ang tingin mo sa lahat ng bagay ay kaaya-aya pag nandiyan siya. At kung wala naman ay para kang namatayan ng kaibigang kababata na kalaro-laro mo na mula pa noong hindi pa kayo nagpapantalon. Hindi ka kumpleto; hindi buo ang mundo mo. Kulang sa elemento. Hungkag. Basta ganun. Mahirap ipaliwanag, e. Sabi nga, dinaranas lang daw ang pag-ibig, hindi ipinaliliwanag dahil hindi kaya. Experienced, not explained, sabi daw. Bakit nga ba ganoon, ano? Kung ang pag-ibig ay nasa puso, bakit ulo ang nasisira? Dahil para akong sira-ulo talaga pag wala siya, lalo sa weekend o holiday na walang pasok. Sabik na sabik akong makita siya, halimbawa, sa classroom, tapos di siya darating. Punebre na sa akin ang buong maghapon na iyon. Buryong akong di maintindihan, galit na wala naming kinagagalitan, bwisit sa lahat nang wala namang dahilan. Sa weekend naman o holiday na alam kong walang pasok at di ko siya makikita, kung pwede lang ay hilahin ko ang mga oras para bumilis ang pagdaan ng araw. Gusto ko lagi nang bukas na, para makita ko na siya. Minsan naman ay idinadaan ko sa panonood ng sine para malibang, pero di ko naman maintindihan ang istorya ng pinanonood ko. Siya lagi ang nasa isip ko: ang mukha niya nasa aking balintataw, ang boses niya naririnig ko, pati ang halimuyak ng shampoo niya naaamoy ko. Magkaminsan nga ay kinakausap ko siya kahit na wala siya, at ini-imagine ko ang mga sagot niya. Wala din ako sa realidad kapag wala siya. Ganoon ako kabu-ang dahil sa kanya, pare.O kaya ay idinadaan ko sa tulog ang maghapon. Kaya lang pag napaidlip ako sa araw, me insomnia naman ako sa gabi. Pabiling-biling sa higaan, di mapapikit. Natuto na rin akong manigarilyo dahil doon. Kaya siguro pati lamok sa amin nagka-kanser dahil sa sigarilyo ko. Nangonti e.Pero hindi iyon ang problema, pare. Actually, ang pinakaproblema ko ay paano ko sasabihin sa kanya na mahal ko siya, na gusto ko siyang maging girlfriend, nang hindi niya iisiping sinamantala ko ang pagiging magkaibigan o magkababayan namin. Iyong maniwala siya na talagang mahal ko siya at hindi biru-biro ang inilalahad kong pag-ibig. Ganoon pala iyon, ano? Pag talagang pagmamahal ang nararamdaman mo alalang-alala ka na baka mamis-interpret ang damdamin mo. Takot kang mawala o masayang ang pag-ibig mo pag hindi ginanti, kaya ingat na ingat ka sa bawat hakbangin. Parang mas gusto mo pang mabuhay sa pansamantalang mundo ng imahinasyon ng inyong pagmamahalan, kesa sa realidad ng kasalukuyan, sa katotohanang wala ka pang ginagawa para sa sinasabi mong pag-ibig. Matagal ako sa ganoong lagay, pare.Hanggang finally nasabi ko rin ang dapat sabihin. Kasi patapos na ang semester, bakasyunan na ilang araw na lang, kaya kung di ko sasabihin, kalbaryo sa akin ang mga susunod na panahon. So gumawa ako ng maikling sulat at saka pasalising isiningit ito sa libro niya minsang magkatabi kami ng upuan. Andap ang kalooban ko kinabukasan, pero ni hindi siya tumingin sa akin. Patay, sabi ko. Nagalit yata sa kapangahasan ko. E takot naman akong lapitan siya at baka singhalin ako, magmukha akong basang sisiw. Maaawa ako sa sarili ko; o magagalit sa kanya. Ayaw ko alinman doon, kaya sa loob ng isang linggong naiiwan bago bakasyon, pare, para kaming hindi magkakilala: hindi siya tumitingin sa akin, hindi ko rin siya kinakausap. Ang hirap pala ng ganoon, para akong may patong na singkaw sa kalabaw. Ang bigat ng damdamin ko, na hindi ko naman mailabas. Hindi ko alam kung paano ako nakaraos sa araw-araw noon. Ang alam ko lang wala akong maalala sa mga sinabi ng lahat ng professors namin bago kami maghiwa-hiwalay.Nang huling araw na ng eskuwela, desperado na ako kung ano ang gagawin ko para lang di kami magkalayong may samaan ng loob. Ang sabi ko sa sarili ko, pare, kakausapin ko siya anuman ang mangyari, hihingi ako ng patawad, pasensiya, at parusa kung kailangan, magbati lang uli kami. Maging magkaibigan uli kami. Kahit hanggang doon lang, okay na sa akin. Saka na iyang pag-ibig pag-ibig na iyang lintik. Titiisin ko na lang, susupilin ko ang nararamdaman ko, magkukunwari ako habampanahon, mabalik lang sa dati ang samahan namin. Di bale nang masira ang ulo ko sa ganoon, pare, kasi pag hindi lalo lang mabilis masisira ang tuktok ko.Kaya lang bago ako nakakilos para lumapit sa kanya, nasa harap ko na siya. At bago ako nakahuma, iniabot niya ang isang nakatiklop na papel sa akin sabay sabing, “Mamaya mo basahin pag nakaalis na ako.” Tinanggap ko ang papel, at pag-angat ng ulo ko nakatalikod na siya. Ni ha, ni ho, wala akong nasabi, pare. Iyong mga salitang pinag-aralan kong maigi para sabihin sa kanya, nawalang lahat. Ang pagluhog ko ng patawad, ang mga pakiusap na pinag-isipan kong mabuti paano sabihin, di ko na naalala. Ang sa aking isip noon ay katuwaan, dahil kinausap niya ako! Hindi siya totoong galit! Buhay na uli ako! Masaya na uli ang mundo! Parang gusto kong maglulundag sa tuwa noon, at kung hindi nagdatingan ang mga estudyante sa susunod na period naglulundag talaga ako sa tuwa. Dahil napakagaan ng pakiramdam ko. Dahil hindi galit si Ederlyn!Binuklat ko ang papel. Sulat. Magkita daw kami malapit sa bahay nila. Alas seis y media ng gabi, 17 April. Merong may birthday sa kanila, at bisita niya ako. Alam mo, pare, iyon lamang ang panahong hindi ko ininda ang mabagal na pag-usad ng mga araw.Sa madali’t sabi ay dumating ako sa tipanan sa eksaktong oras. Di ko pa nai-stand ang motor na hiniram ko ay dumating na si Ederlyn sakay ng tila tiburin, hila ng isang abuhing kabayo. Pagtapat sa akin, sinabi niya, “Sakay na.” Pag-upo ko ay pinitik niya ang renda at umarya na kami.Di naman nagtagal pumasok kami sa isang malawak na bakurang may isang medyo makalumang bahay, na ni sa hinuha ay di ko naisip na meron sa lugar na iyon. Sinalubong kami ng isang mag-asawang medyo mestisuhin, matatangkad at dilawin ang buhok, na ipinakilala ni Ederlyn na mga magulang niya. Malugod naman akong tinanggap ng dalawa at inanyayahang pumasok.Sa loob, ang bulwagan ay puno ng mga bisitang may edad na rin ang iba, nguni’t mayroon ding mga kabataang tulad ko. Ang napansin ko agad, pare, ay tila lahat sila ay mestisuhin tulad ng magulang ni Ederlyn, at ako lamang yata ang Indio sa gitna ng mga Kastila. Pero dahil magaan naman ang pakikitungo nila sa akin ay nalimutan ko kalaunan na ako ang naiiba at hindi sila. Kuwentuhan, tawanan, biruan, at tampok ako ng mga tanong tungkol sa buhay. Saglit din naming naitanong ko sa sarili ko kung bakit ganoon ang kanilang mga tanong: ano raw pakiramdam ng isang nag-aaral sa unibersidad, ano ang kotse, bus at jeep; at iba pa sa ganoong tema. Parang hindi nila alam ang makabagong pamumuhay na karaniwan na sa atin. Sa loob-loob ko naman, pare, baka lang malayo sila sa karaniwang buhay kaya hindi nila alam ang mga ito. Sa paano’t-paano man, di ko na rin pinag-aksayahan ng isip bakit. Sumabay na lang ako sa tempo ng gabi.Habang nagkukuwentuhan kami o tinatanong ako --- na mas madalas-- may nag-aalok din ng pagkain: pastilyas, prutas, kendi, at isang parang biko o sinokmani. Kain din ako, pare, natural, nguni’t pinipili ko lang iyong mga kulay puting pagkain. Di ko alam kung bakit. Ang iba ay kumakain ng pagkaing pula o madilim na abuhin ang kulay, pero automatic iyong mga puti ang kinukuha ko. Masarap din, kahit medyo iba ang lasa kesa sa karaniwan nating pagkain.Nag-enjoy ako sa umpukan, hindi dahil ako ang star, kundi dahil masaya ang lahat. Parang walang mga problema. Pati nga si Ederlyn madalas ay hindi ko alam kung ano ang ginagawa at kung nasaan. Tuwing makikita ko naman ay nakangiti kaya alam ko walang problema kaming dalawa. Sa kalaunan ay nakiumpok na rin siya sa amin ng matagal-tagal, at nang magkapuwang ay sinabing magpaalam na ako sa lahat at ihahatid na niya ako sa labas. Napansin ko ngang ang iba ay tila nagpapaalam na, kaya’t wala rin akong tutol. Pamaya-maya nga ay nagpaalam na ako sa mga magulang ni Ederlyn, at sinabing enjoy talaga ako sa gabing iyon. Natutuwa naman daw sila doon, at binilinan pa akong bumalik kung gusto ko. Anytime daw, dahil ang mga kaibigan ni Ederlyn ay kaibigan na rin nila. Pero bago pa humaba ang paalaman ay sinaklit na ako ni Ederlyn sa braso, at nagmamadaling hinila palabas.Hindi na niya kinuha pa ang tiburin, pare, at naglakad na lamang kami ng mabilis papuntang gate ng bakuran. Tatanungin ko sana bakit ganoon siya kaapurado, pero di ko pa naibubuka ang bibig ko ay sinabihan na niya akong huwag na akong magtanong. Basta magbilis na lang ng lakad, na ginagawa ko na nga.Pagdating namin ng gate ay sinamahan niya ako palabas ng kaunti, hinalikan sa pisngi, at binilinang mag-ingat, sabay pasok sa loob nguni’t tumayo lamang sa kabila ng mga rehas na bakal. Pagtingin ko sa Silangan ay nakita kong halos puputok na ang araw, kaya hinintay ko munang sumungaw iyon sa kabila ng mga bundok. Pagkuwa’y nilingon ko sa Ederlyn upang magpaalam bago lumakad papunta sa motor nang mapatda ako: wala si Ederlyn, wala ang gate, wala ang bahay, wala ang bakuran! Ang nakikita ko ay bahagi ng gubat na may malaki at mayabong na kahoy sa gitna! Kinusot ko ang mga mata ko, nguni’t hindi nagbago ang larawan sa harap ko. Nangalisag ang aking balahibo, at tumakbo na ako! Tumakbo nang tumakbong nagsisisigaw!Pagmulat ng mga mata ko ay napagtanto ko agad na nasa sariling kwarto na ako, at gutom. Bago pa ako nakatayo ay pumasok na si Inang, na bumubulalas ng pasalamat sa Panginoon at gising na ako. Nang tanungin ko kung bakit ay nagkuwento na habang pinakakain ako.Tatlong araw na raw akong nawawala –hindi ako umuwi mula noong gabing nanghiram ako ng motor—nang matagpuan ako sa pinag-iwanan ko ng motorsiklo. Tila nababaliw daw ako noon, ligaw ang mga tingin, di nakakakilala ng tao, inaapoy ng lagnat at may binabanggit lagi na pangalan daw yata ng babae. Mabuti daw at may nagmagandang-loob na iuwi ako sa amin, pare, kung hindi ay hindi nila malalaman kung ano ang nangyari sa akin.Isang linggo naman daw akong me lagnat, at hindi malaman ng doktor na tumingin sa akin kung ano talaga ang dahilan ng lagnat ko. Ang albularyo naman, ayon kay Inang, ay iisa lang ang binanggit: may nakatuwa sa akin. Pero lagi namang ganoon ang sinasabi ng mga albularyo, di ba?Ayon pa kay Inang ay humupa lamang ang lagnat ko at dagli akong gumaling nang mapasakamay ko ang isang sobre na inihatid ng isang batang hindi nila kilala at mukhang estranghero sa lugar. Basta lang daw iniabot ang sobre nang matiyak na dito nga ako, at umalis na. Ni hindi nagpakilala o nagsabi kanino galing ang sobre. Nilingon ko ang sobre, nasa ibabaw ng lamesita sa tabi ng hinihigan ko. Ibinigay ni Inang ang sobre sa akin. Puti. Blangko maliban sa pangalan ko sa ibabaw.Pag-alis ni Inang ay binuksan ko ang sobre. Sulat ni Ederlyn. “Alex. Kami man ay marunong ding magmahal. Ederlyn”. Natawa na lamang ako ng marahan.
Friday, March 21, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
Hehehehe! kumusta pare? May account ka ba sa Penster Community dati? Nagandahan ka ba sa storya? salamat sa pagpopost nito dito ah...
xdirge001
Post a Comment